22nd February 2010

Post

Ang Durungawan ng Taglagas

Nagkalat na muli ang mga tuyong dahon sa daan. Malamlam ang paligid at nagbabadya ng muling pagbabago ng panahon. Subalit sa tuwing nalalapit ang taglagas ay nagugunita ko ang nakalipas na kaligayahan at kalungkutang bumalot sa buo kong kalooban. Kaya’t ibinaling ko ang aking paningin sa bintana at nakita ko sa labas ang mga punong halos malagas na ang lahat ng dahon. Hindi ko mapigilan ang mapaluha, humihip ang malakas na hangin at tinangay ako sa mundo ng nagdaan…

Ilang araw na lamang ang nalalabi upang magkasama ko siya. Siya na mawawari kong isa sa pinakamahalagang dahong nakakapit sa marupok na sanga. Marami pa ang mga dahon subalit alam kong madali lamang iyong tatangayin ng pagbugso-bugsong ihip ng hangin pagsapit ng taglagas. Nakikita ko siya sa aking isip. Kumintal at humabi na sa aking puso ang mga ngiting lagian nang gumuguhit sa kanyang labi.

Kung maaari ko lamang dagdagan pa ito kahit limos lamang na panahon ay siya kong gagawin, maging ang buhay ko ang kapalit. Sapagkat sa bawat minutong lumilipas ay alam kong hindi mapipigil ng aking mga luha ang panahon - sapagkat darating din ang taglagas.

Naisip ko ang ilan pang mga dahon sa sanga - ang sanga ng aking pagkatao, ang sanga ng aking naluluray na damdaming niluluoy ng kalungkutan. Alam ko kung gaano kahapdi ang mawala ni isa sa mga dahong iyon sapagkat ang dulot niyon at ang panlalamig ng sanga. Bawat isa niyon ay nag-aambag ng hinagpis sa bawat sandaling umaalpas maging ang segundo ng daigdig.

Bagama’t maging pasan ko man ang malaki at mabigat na dalahin ng pasakit at pangamba ay alam kong wala ng mas higit pa akong magagawa kung hindi ang pagmasdan ang pagbagsak ng mga dahon. Sapagkat ang lumaban sa panahon ay tila pagpigil sa ikot ng mundo, alam kong hindi ko iyon magagawa sapagkat parating na ang taglagas.

Kung gaano ko hinangad na masagip ni isa man lamang sa mga dahong iyon ay hindi ko maipaliliwanag. Subalit iyo’y lubos na ikagigiya na aking puso. Ginagagap ko ang aking damdamin pagkat hindi na magtatagal ay narito na ang ikinalulungkot kong sandali.

Alam kong ganito rin ang nadarama ng iba pang mga puno sa di kalayuan, hindi ko man mahawakan sapagkat ako’y hinahadlangan ng bintanang durungawan ay naaabot naman iyon ng aking paningin. Alam kong kung sila’y makapagpapahayag ay samut-saring emosyon ang kanilang nadarama ngunit alam ko ring isa lamang ang mananaig - ang kalungkutan.

Sapagkat ang taglagas na aking tinutukoy ay walang dili’t iba kung hindi ang araw ng pagtatapos - ang wakas ng lahat ng mga bagay na para sa aki’y siklo na ng mga pangyayaring nagaganap sa pang-araw-araw kong pamumuhay. Tila ako’y gigising na pinanawan ng gunita, dahil magbabago lahat. Ang masaklap sa lahat ay ang aking damdaming hindi ko maintindihan.

Hindi matapos ang mga katanungan sa aking isip, “Bakit kailangan pang dumating sa aking buhay ang ganitong masaklap na pangyayaring tila nakamamatay na sakit na dumapo sa aking sistema? Bakit kailangan pang dumating ng taglagas?” Hindi ko mapigilan ang mabilis na tibok na aking puso at ang linya ng mga luhang di mabura ng paghaplos ng aking mga palad, tulad ng katotohanang di kailanman mapipigilan ang pagdating ng taglagas. Sapagkat habang higit kong hinahangad na kahit kaunti’y humaba ang panahon ay lalo pang bumibilis ang pag-ikot ng mundo. Tila isang gulong na patuloy sa matulin na pagtakbo. Habang nakamasid ako sa bintana’y nakita kong nalagas na ilan sa mga dahon. Pagkat sumapit na ang taglagas…

Sumapit na ang araw ng pagtatapos - ang taglagas, ang kalungkutan. Bagamat ramdam ko ang kaunting dampi ng kasiyahan sa aking mga ngiti ay dama ko rin ang nag-aalab na luhang naiipon sa aking mga mata. Ibig kong tumakbo upang takasan ang kalungkutan subalit alam kong hindi mapipigil noon ang takbo ng panahon. Wala akong magagawa kung di ang pagtaggap at pagsalubong dito.

Nilinga ko ang paligid, dinama ko ang hangin at ang bawat dampi niyon sa aking balat. Nakakatupok ang hangin sa kabila ng lamig nito. Madilim ang paligid na tila ipinahihiwatig ang karimlan ng gabi, subalit matapos kaya ito ay karimlan pa rin ang darating? Mataginting ang bawat sandali at sa bawat saglit ay nililingon ko ang aking mga katabi, ang mga taong naging bahagi na ng buhay ko. Ang mga taong binigyan ako ng kaunting limos ng kasiyahan sa panahon ng tagsibol na sansaglit lamang nagdaan.

Hindi ko na namalayan ang bawat sandali nakita ko na lamang ang mga puting papel na lumulutang sa alapaap ng dilim ang ang pagtayo ng mga tao sa aking paligid. Sa pagbaling ng aking paningin ay nakita kong narito siya, ang taong iiwan ko sa mundong ito na tuluyan nang mamaalam sa aking paghimbing. Hindi ko nagawa ang makapagsalita…

Sapagkat sa mga sandaling iyon ay pinagmamasdan ko ang unti-unting panunuyo at pagbagsak ng mga dahon kasabay ng pagbagsak ng mga luha sa aking mga mata at pagguho ng aking mundo. Napapikit ako at sa muling pagmulat ng aking mga mata ay nakita kong nanatiling sariwa ang isang dahon. Matatag iyong nakakapit sa sanga at tila di natitinag ng dumating na taglagas…

Dumaan ang panahon at sumapit ang tagsibol. Minasid ko ang liwanag mula sa durungawan, namalas ko ang mayayabong na pagsibol ng mga sariwang dahon, unti-unting nagliwanag ang aking damdaming nagmula sa dilim. Sapagkat nagpatuloy muli ang takbo ng aking buhay. Nalagas man ang ilan sa mga dahon ay nanatiling matatag ang puno. Nanatili itong buhay. Humihip muli ang malakas na hangin at tinangay ang aking gunita sa kasalukuyan…

Matagal na panahon na rin ang nagdaan. Sa ngayo’y tumutulong muli ang aking mga luha habang nakamasid sa bintana ng durungawan. Sapagkat muling darating ang taglagas…